Tuesday, June 02, 2009

Blg. 1

Aking sinet ang alarm clock ng aking telepono sa oras ng alas-singko ng umaga upang ako'y magising. Sa paggawa ko nito, nadagdagan ko ang bilang ng gigising sa akin. Nariyan ang kapatid kong aking kasama sa pagpasok sa unibersidad para sipain ako upang ako'y magising nang kami'y makapasok na sa aming eskwelahan. Nariyan din ang aking mahal para na sa kagustuhang gisingin ako ay gumigising pa ng alas-singko ng umaga para ako'y gisingin lamang. At ngayo'y nandirito na ang alarm clock ng aking telepono na walang tigil na mag-va-vibrate hanggang hindi ko sya binabato.

Ngunit sa lahat ng mga ito, ang aking mahal lang talaga ang may mahiwagang kakayahan na ako'y gisingin. Kapag pangalan niya'y aking nakikita sa screen ng aking telepono, ako'y nagigising at gumagalaw na, na para bang siya'y aking kamahalan. Hindi naman sa ako'y takot sa kanya, ngunit dahil sa sobrang pagkatuwa ko na binigyan na naman ako ng Diyos ng isang araw para gawin ang mga gusto ko sa buhay at iparamdam ang aking pagmamahal sa kaniya at sa aking mahal.

Ganoon na nga ang nangyari kaninang umaga. Inumaga na naman kami ng tulog dahil kami'y nag-usap sa telepono kagabi. Kung kaya't sobrang hirap ko gisingin kanina, pati ang kapatid at alarm clock ko'y sumuko na. Ngunit ng siya'y tumawag na, ako'y nagising at tumayo na; nakangisi pa na parang batang kilig na kilig sa isang eksena ng koreanovelang Boys Over Flowers.

Ako'y nag-ayos na ng aking sarili, pero bago ko pa man piliin ang isusuot ko sa araw na iyon, ako'y sumilip sa labas ng aking bintana para tgnan kung tama ang forcast ni Kuya Kim para sa panahon ngayong araw. Tama, tama siya. Makulimlim sa labas, at medyo basa pa ang bintana. Halatang umulan na naman ng malakas kagabi, at baka umaambon na naman ngayon. Kinuha ko ang aking paboritong statement shirt, at ang aking pantalon. Hindi ko na mahanap ang panlamig kong kulay orange na may mga bangka bangka na cute at maganda tignan. Sayang, ang ganda ganda pa naman nun. Kung kaya't aking kinuha na lang ang Quiksilver kong panlamig na aking ginamit kahapon na wala rin namang kwenta dahil noong umulan ay nasa loob ako ng V305, nakikinig sa aking propesor sa pinagdidiinan ang mathematical statement na dv=dv, at v=v. Wala namang kumokontra sa kaniya dahil wala namang ka-kontra kontra sa kaniyang pag-integrate.

Sinuot ko na ang hoodie na iyon, at sinuot ko na rin ang pinakamamahal kong dog tag at wallet na may nangangasim pang lanyard. Kaka-laba ko lang ng lanyard na iyon noong nakaraang linggo at ngayo'y nangangasim na siya kaagad. Siguro ay maasim na nga talaga ang leeg ko, kung kaya't ang pawis ko'y pwede ng ipanglaban sa Knorr Sinigang Mix na ginagamit ng aking nanay pag siya'y naglulutong sinigang na bangus. Pagbalik niya mamaya ay sasabihin kong pigain na lamang niya ang aking lanyard pag siya'y magluluto ulit ng sinigang na bangus para kami'y makatipid.

Matagal kaming nagkatinginan ni labidabs, ang aking camera. Gusto kitang dalhin, alam mo naman yun eh. Pero umuulan, labidabs. Mahal kita, ayaw kitang mabasa at masira, aking sambit sa kanya. Bobo ka ba? Waterproof ang bag mo. Ang sabihin mo, tinatamad ka lang mag fill out ng entry pass para sa akin! Dalhin mo na ako, parang awa mo na. Namimiss ko na ang crush ko.. si I.. , sabi niya. Ngunit kahit ano pang pagpupumilit ni labidabs, siya'y aking iniwan sa ibabaw ng aking study table.

Pagkababa ko, aking hinanap ang paborito kong sapatos, ang dilaw at itim na checkered na Vans ko. Mahal na mahal ko ang sapatos na ito. Kahit pa minsa'y napagkakamalan akong emo ng mga tao pag ito'y suot ko, hindi ko siya hihiwalayan. Hanggang matapos ang term, siya lang ang isusuot ko.

Matapos kumain ng aking kapatid, kami'y pumunta na sa kanto upang mag-abang ng jeep. May Crossing United na dumaan, ngunit hindi muna ako sumakay. Pinauna ko na ang aking kapatid at ako'y nagpaiwan sa kanto.

Parang may mali.

Itutuloy...

1 comment:

Smaxi said...

May comment ako d2 "Matagal kaming nagkatinginan ni labidabs, ang aking camera. Gusto kitang dalhin, alam mo naman yun eh. Pero umuulan, labidabs. Mahal kita, ayaw kitang mabasa at masira, aking sambit sa kanya. Bobo ka ba? Waterproof ang bag mo. Ang sabihin mo, tinatamad ka lang mag fill out ng entry pass para sa akin! Dalhin mo na ako, parang awa mo na. Namimiss ko na ang crush ko.. si I.. , sabi niya. Ngunit kahit ano pang pagpupumilit ni labidabs, siya'y aking iniwan sa ibabaw ng aking study table." Xur ba na di mababasa laman ng bag mo eh waterproof nga Bukas nmn palagi hahaha