Tuesday, June 02, 2009

Blg. 2

Ang Nakaraan:

Marami akong ginawa. Naligo, nagbihis, at naglakad. Labis na pag-iisip ang aking ginawa para maayos ang mga gawaing ito.

Ngunit may mali. Masakit mang isipin na ako'y nagkamali, kailangan ko itong tanggapin at itama.

Ano nga ba ang maling iyon?

Blg. 2 - Ang Mali

May dumaan na jeep na papuntang Crossings. Sinundan lamang ng mga mata ko ang rumaragasang jeep na dadalawang tao lamang ang laman. Naglapat ang mata ko at ang mata ng driver, na para bang plit akong kinakausap at pinapasok sa loob. Sumakay ka na, parang awa mo na. Feeling ko sila lang ang pasahero ko forever! Pag sumakay ka na, at least dalawang tao na ang madadagdag! Please naman oh! animo'y kaniyang sinambit. Ngunit matatag ako; hindi ako nagpapilit sa isang hunghang na katulad niya. Niligaw ko ang aking paningin sa daan pabalik sa aming tahanan. Alam kong may mali, kung kaya't ang paraan lang para maayos ang maling ito ay bumalik ako sa bahay upang magpalit ng damit.

Nararamdaman ko ang pagtulo ng pawis sa aking likod at noo; parang gripong ayaw sumara ang pores ko. Binilisan ako ang lakad dahil alam kong parating na siya. Oo, siya nga.

Ang araw.

How could you do this to me, Kuya Kim? Linggo-linggo naman ako kung manood ng Matanglawin, at maliban kay Marc Logan eh ikaw lang din ang inaabangan ko pag TV Patrol. Tapos nagsinungaling ka sa akin ngayon, sabi mo kaya kagabi uulan! Nag hoodie pa tuloy ako, parang tanga lang! Huhu.. Kumakalog sa aking isipan ang ginawa ni Kuya Kim sa akin, para bang ako'y pinagtaksilan ng aking mahal; nanunuot ang sakit na dinulot sa akin ng maling forecast na iyon. At sa kasamaang palad, ang sakit na iyon ay nasa form ng pawis. Oo, nanunuot na talaga ang pawis sa aking likod.

Pagkabukas ng aming kasambahay ng pintuan ng bahay, dali-dali akong umakyat papunta sa aking kwarto para magpalit. O Diyos ko po, iilang metro pa lamang ang aking nalakad mula doon sa kanto, basa na kagad ang likod ng t-shirt ko. Naghanap ako ng panibagong isusuot, at padabog na ibinato ang itim na panlamig sa aking kama. Para bang hinugot ko mula sa aking likod ang itak na kanina pa nakasaksak; sadyang napakasarap sa pakiramdam.

Bago ako lumabas ulit ay nagkatinginan kami ni labidabs. Binusisi ng mga mata ko ang kanyang nag-iisang mata. Hmm, mamasa-masa. Siguro'y nagluksa siya sa desisyon ko kanina na iwan siya. Pero dahil nagkamali ng si Kuya Kim, aba'y pwedeng pwede ko na siya dalhin. Hinablot ko ang aking mahal na camera at ako'y nagmadali ng lumabas ng bahay para makahanap ng masasakyan.

Nang ako'y nakatayo na sa may kanto, heto't di ko na naman alam ang sasakyan ko. Sa dami kasi ng uri ng transportasyon na pwede kong sakyan papunta sa MRT station sa Shaw Boulevard sa Mandaluyong, hindi ko na alam kung ano talaga ang sasakyan ko. Maari akong maghintay ng jeep na diretso na sa Crossing, pero medyo mahirap na gawin ito dahil mag-aalas siyete na. Maari din naman akong mag-tricycle papunta sa palengke at doon maghanap ng jeep papuntang Crossing, ngunit pihikan kasi ako sa tricycle at lahat ng tricycle na gusto kong sakyan ay puno na pagdating sa aming kanto. Maari din naman akong mag-taxi na lang para wala ng proble-problema, pero hindi ako ganun ka-willing magbayad ng isang daang piso para lang dalhin ako ng taxi driver sa aking destinasyon.

Hindi naman ako nagmamadali, dahil alas-nuebe pa ang aking pasok. Pero ayoko na tumayo doon at maghintay dahil mukha akong tanga. Nakikita pa ng mga dumadaang motorista ang aking pagmumukha, baka silay' mapahamak pa. Kung kaya't nung may nakita na akong taxi, aking pinara ito at pumasok na sa loob.

Mabait si Manong Driver. Hindi siya tulad ng ibang driver ng taxi na nasasakyan ko pag umaga na mas masungit pa sa isang dalagang may buwanang dalaw, at maternity pads na ang ginagamit sa sobrang lupit ng daloy ng kanyang dugo. Tapos pag sobrang sungit pa, hihingi pa siya ng dagdag na para bang sobrang layo ng aking destinasyon. Pero dahil mabait si Manong Driver, hindi siya nanghingi ng dagdag. Nagkwentuhan pa nga kami tungkol sa mga boundary ng aming napaka-laking village. Natawa siya noong sinabi kong hindi na sakop ng Pasig ang aming village dahil ito'y masyado ng liblib. Mula sa dulo ng mala-Beverly Hills na runway hanggang sa may tulay, Pasig iyon. Pag tawid ng tulay, Cainta na. At pag napunta ka pa sa may kadulu-duluhan, Taytay na. Tuwang tuwa si Manong Driver sa sinabi kong iyon. Binabalak niya ata mag-joyride sa aming village sa kanyang free time.

Inabutan ko siya ng isang daang piso nang kami'y makarating na sa may MRT Shaw. Nagpasalamat ako, at naglakad papunta sa elevator. Wrong timing na naman ako. Alas-siyete na kasi ng umaga, at alam kong patayan na ang lahat ng commuters ng ganitong oras; mapa-emplayado man o estudyante. Minsan nga pati yung mga baguhan o newbie eh umaangkas na rin sa tren, yung tipong trip-trip lang makipagsiksikan para may maipagmalaki na sila sa kanilang mga pamilya. Di ko alam kung pano naipagmamalaki na nasiksik ang ulo mo sa isang kili-kili ng isang pawisin na manong, o kaya'y natulak palabas ng napakaraming tao sa isang istasyon na hindi mo naman talaga bababaan.

At dahil patayan hour pa sa tren, ako'y naupo muna sa upuan sa may ilalim ng escalator. Aking nilabas ang aking iPod at nagsoundtrip muna habang pinapalipas ko ang oras at ang mga taong atat na atat na makaalis sa istasyon. Biglang dumating si Carla dela Cruz, isang makulit na kaibigan mula sa aking eskwelahan dati at ngayo'y nag-aaral din sa unibersidad kung saan ako'y nag-aaral. Sa kasamaang palad. si Carla ay isang Chemical Engineering major, kung kaya't ka-kolehiyo ko rin siya. Minsan lang talaga ay gusto ko na siyang hambalusin gamit ang aking mahiwagang grap kit para nang siya'y tumigil na sa kaka-asar sa akin. Makapal kasi ang kanyang mukha at talagang ipinapalangdakan niya ang kanyang pang-asar sa akin kahit na kami'y nasa kalagitnaan ng daan o McDonald's. Ganoon talaga katigas ang kanyang mukha.

Mabuti naman at noong nagkita kami ng umagang iyon sa may MRT station, maayos siyang tao. Siguro ay ganito siya pag umaga; pwede pang kausapin ng masinsinan. Hindi ko na tinanong kung anong oras ang kanyang unang klase dahil alam kong alas-otso iyon dahil alas-siyete y media na at nandoon na siya. Naalala ko na nainggit ako kay Alyssa Flores kahapon, isang kaibigan din na aking ka-eskwela dati at ngayon ay ka-kolehiyo na namin ni Carla, dahil ipinagyayabang niya sa akin na nabenta na niya ang kanyang grap kit sa halagang 3,500 pesos sa tulong ni Carla. Dahil mukha akong pera at napakalaking kalat lamang ang grap kit na iyon sa aming kwarto, gusto ko rin na ibenta yun at makakuha ng pera pambili ng tripod o lente o kung ano man na trip kong bilhin. Tutal, isang tech pen lang naman ang ginagamit ko mula doon sa hinayupak na grap kit na iyon (at ginagamit ko lamang iyon pag wala akong pambili ng bolpen. Nakakahiya nga gamitin minsan sa aming klase dahil lahat ay napapatingin at napapa-reminisce ng wala sa oras. Makapangyarihan talaga ang Rotring 0.35.), kailangan na talaga siya ibenta.

Nagpahanap ako kay Carla ng buyer ng aking grap kit dahil siya lang ang may tamang thickness ng mukha na makaka-kumbinsi sa mga frosh na may kursong Engineering Graphics ngayong term na bumili ng grap kit mula sa amin. Humingi siya ng commission sa kanyang pagbebenta, at ako'y pumayag na lang. Wala akong magagawa, kailangan talaga bayaran ang magagaling na tulad niya. Habang hinihintay ni Carla at ang kanyang kasama ang sunod na tren, napatingin ako sa akin kaliwa at nakita ko naman ang aking kaibigan na si Crissa Tenorio, isang kaibigan mula sa dati kong eskwelahan at ngayon ay Computer Science major na sa unibersidad kung saan ako'y pumapasok. Mukhang kanina pa siya nakatayo doon at ng nakita na niya ako, siya'y lumapit sa akin. Nag-usap kami sandali at siya'y tumayo na rin sa pwesto nila Carla.

Dumaan ang tren, at nakasakay na sina Carla. Sa kasamaang palad, hindi pa rin nakasakay si Crissa. Nais ko sanang malungkot at mag-emphatize, ngunit paano ka malulungkot kung na-LSS ka sa kanta ni Pitbull na I Know You Want Me? Pinanood ko lang siya at ang iba pang mga tao na naghihintay ng tren. Shet, ang dami nila. Mag-eexpire na ang aking tiket at kung di pa ako sumakay, magkakaron na naman ako ng pahiya moment sa paglabas ko sa turnstile sa MRT station sa Taft. Para ito'y maiwasan, hinintay ko muna makasakay ng tren ang mga tao at ng naubos na ang isang parte, ako'y pumuwesto na.

Andiyan na ang aking sundo. Tumingin ako sa likod at nagulat sa dami ng tao sa likod ko. Nako, malupit na tulakan na to. Instant mosh pit na naman ang pintuan ng tren, at sana lang ay wala akong masaktan na masungit na tao. Ayoko talaga ng sinisigawan ako sa umaga dahil ako'y napipikon sa ganun. Mabuti naman at nag-moshing ang mga tao ng maayos. Natulak ako papunta sa gitna, at ako'y humawak na sa handrail.

Boni Ave.
Guadalupe.
Buendia.
Ayala.
Magallanes.

Habang binabaybay ng tren ang mahabang riles papuntang Taft Avenue, naramdaman ko ang pag-vibrate ng aking telepono na nasa loob ng aking bag. Pagkatingin ko sa screen: "Chino Sun mobile.. slide to answer". Akin sinagot ang tawag ng aking kaibigan na dapat ay nasa classroom na ngayon dahil alam kong alas-otso rin ang unang klase niya sa araw na iyon. Sinagot ko gamit ang aking mahinang boses dahil ayoko na may makarinig sa pag-uusap namin.

Chjno: "Oy."
Ako: "Oh baket?"
Chino: "Ano nga ba ulet yung Cosine Law?"
Ako: "HINDI KO ALAM!"

Umagang umaga, cosine law kagad ang tinatanong. Sa totoo lang, alam ko naman talaga ang cosine law. Yun nga ang pinakapaborito kong parte ng Trigonometry eh. Madali lang kasi paglaruan ang mga variables nito kung kaya't madali lang din matandaan. Pero ayoko sabihin kay Chino noong oras na yun dahil alam kong pagtitinginan ako ng mga tao. Baka isipin nila na alien ako (na medyo totoo).

Nang nakarating na ang tren sa huling istasyon, ako'y bumaba na at nagmadali papunta sa exit. Tinanggap ng turnstile ang aking ticket at muli itong niluwa sa taas, at ako'y nagmadali na naman papunta sa LRT Edsa. Oo, alam kong 9:40 pa ang klase ko, at mag-aalas-otso pa lamang sa orasan ng istasyon ng tren. Ngunit hindi ko talaga alam kung bakit ako nagmamadali.

Pagkasakay ko ng tren papuntang Vito Cruz, biglang nag-flashback ang lahat ng nangyari saken ng umagang iyon. Naramdaman ko ang urge na isulat ang lahat ng iyon sa aking blog na nilalangaw na. Kung kaya't pagkalabas na pagkalabas ko ng istasyon, ako'y nagmadali na papunta sa Microsmith sa EGI at sinulat ang lahat ng ito.

May saysay pala ang araw na ito.

Blg. 1

Aking sinet ang alarm clock ng aking telepono sa oras ng alas-singko ng umaga upang ako'y magising. Sa paggawa ko nito, nadagdagan ko ang bilang ng gigising sa akin. Nariyan ang kapatid kong aking kasama sa pagpasok sa unibersidad para sipain ako upang ako'y magising nang kami'y makapasok na sa aming eskwelahan. Nariyan din ang aking mahal para na sa kagustuhang gisingin ako ay gumigising pa ng alas-singko ng umaga para ako'y gisingin lamang. At ngayo'y nandirito na ang alarm clock ng aking telepono na walang tigil na mag-va-vibrate hanggang hindi ko sya binabato.

Ngunit sa lahat ng mga ito, ang aking mahal lang talaga ang may mahiwagang kakayahan na ako'y gisingin. Kapag pangalan niya'y aking nakikita sa screen ng aking telepono, ako'y nagigising at gumagalaw na, na para bang siya'y aking kamahalan. Hindi naman sa ako'y takot sa kanya, ngunit dahil sa sobrang pagkatuwa ko na binigyan na naman ako ng Diyos ng isang araw para gawin ang mga gusto ko sa buhay at iparamdam ang aking pagmamahal sa kaniya at sa aking mahal.

Ganoon na nga ang nangyari kaninang umaga. Inumaga na naman kami ng tulog dahil kami'y nag-usap sa telepono kagabi. Kung kaya't sobrang hirap ko gisingin kanina, pati ang kapatid at alarm clock ko'y sumuko na. Ngunit ng siya'y tumawag na, ako'y nagising at tumayo na; nakangisi pa na parang batang kilig na kilig sa isang eksena ng koreanovelang Boys Over Flowers.

Ako'y nag-ayos na ng aking sarili, pero bago ko pa man piliin ang isusuot ko sa araw na iyon, ako'y sumilip sa labas ng aking bintana para tgnan kung tama ang forcast ni Kuya Kim para sa panahon ngayong araw. Tama, tama siya. Makulimlim sa labas, at medyo basa pa ang bintana. Halatang umulan na naman ng malakas kagabi, at baka umaambon na naman ngayon. Kinuha ko ang aking paboritong statement shirt, at ang aking pantalon. Hindi ko na mahanap ang panlamig kong kulay orange na may mga bangka bangka na cute at maganda tignan. Sayang, ang ganda ganda pa naman nun. Kung kaya't aking kinuha na lang ang Quiksilver kong panlamig na aking ginamit kahapon na wala rin namang kwenta dahil noong umulan ay nasa loob ako ng V305, nakikinig sa aking propesor sa pinagdidiinan ang mathematical statement na dv=dv, at v=v. Wala namang kumokontra sa kaniya dahil wala namang ka-kontra kontra sa kaniyang pag-integrate.

Sinuot ko na ang hoodie na iyon, at sinuot ko na rin ang pinakamamahal kong dog tag at wallet na may nangangasim pang lanyard. Kaka-laba ko lang ng lanyard na iyon noong nakaraang linggo at ngayo'y nangangasim na siya kaagad. Siguro ay maasim na nga talaga ang leeg ko, kung kaya't ang pawis ko'y pwede ng ipanglaban sa Knorr Sinigang Mix na ginagamit ng aking nanay pag siya'y naglulutong sinigang na bangus. Pagbalik niya mamaya ay sasabihin kong pigain na lamang niya ang aking lanyard pag siya'y magluluto ulit ng sinigang na bangus para kami'y makatipid.

Matagal kaming nagkatinginan ni labidabs, ang aking camera. Gusto kitang dalhin, alam mo naman yun eh. Pero umuulan, labidabs. Mahal kita, ayaw kitang mabasa at masira, aking sambit sa kanya. Bobo ka ba? Waterproof ang bag mo. Ang sabihin mo, tinatamad ka lang mag fill out ng entry pass para sa akin! Dalhin mo na ako, parang awa mo na. Namimiss ko na ang crush ko.. si I.. , sabi niya. Ngunit kahit ano pang pagpupumilit ni labidabs, siya'y aking iniwan sa ibabaw ng aking study table.

Pagkababa ko, aking hinanap ang paborito kong sapatos, ang dilaw at itim na checkered na Vans ko. Mahal na mahal ko ang sapatos na ito. Kahit pa minsa'y napagkakamalan akong emo ng mga tao pag ito'y suot ko, hindi ko siya hihiwalayan. Hanggang matapos ang term, siya lang ang isusuot ko.

Matapos kumain ng aking kapatid, kami'y pumunta na sa kanto upang mag-abang ng jeep. May Crossing United na dumaan, ngunit hindi muna ako sumakay. Pinauna ko na ang aking kapatid at ako'y nagpaiwan sa kanto.

Parang may mali.

Itutuloy...